Nakanino ang kapangyarihan?
“Sovereignty resides in the people and all government authority emanates from them.”
Ito ang mga eksaktong kataga na nakasulat sa pahina ng ating Saligang Batas. Bago mabuo ang konstitusyong ito, ilang dekada ng paghihirap ang pinagdaanan at pinagbuwisan ng maraming buhay para lang makamit ang kalayaan sa kuko ng dikataduryang Marcos.
Pero ano itong narinig natin buhat sa kinatawan ng Davao del Sur na si Douglas Cagas? Ito ang ibinato nya sa mga nanonood ng kanilang deliberasyon sa Kamara: “You can shout but you are not members of Congress. You are just guests and [should] behave as guests.”
Nais kong linawin na ang kanyang pinasaringan ng mga salitang ito ay mga mamamayan ng Pilipinas. Sila ang tunay na may-ari ng kapangyarihan at sa kanila nanggagaling ang kung anumang kapangyarihang hawak ng mga
nakaupong kongresista sa kasalukyan. Gaya ng sinabi ni Bayan Muna party list Congressman Teodoro Casiño, “…we are representatives of the people and the people have the right to tell us… they are our constituents and they have the right to speak”.
Sa puntong ito, nais kong pagnilay-nilayan ang mga nangyayari at mangyayari pa sa mga darating pang panahon. Kung sakaling matuloy ang pagbabago sa ating konsitusyon, itong mga kongresistang ito ang uupo
bilang mga miyembro ng bagong Parliyamento. Sila na mambabatas at kinatawan ng ilang distrito sa Kabikulan na lubhang nasalanta ng bagyo. Bumubuhos ang tulong at pakikiramay maging ng taga-ibang bansa sa kanilang
rehiyon, pero imbes na tumayo sila sa Kongreso at magtalumpati para sa pagluluksa ng mga nasawi sa trahedya sa kanilang lugar, itong mga mambabatas na pinagtiwalaan ng kapangyarihan ay naroon sa Kongreso,
nakikipagdebate at nakikisayaw sa tugtog ng Cha-cha.
Ang konstitusyon na nais nilang baguhin ay binuo, pinagtalunan at pinaghusay na taon ang itinagal. Pinaghirapan nang napakatagal na panahon, dugo, pawis at buhay ang puhunan para lang makamit ang minimithing
kalayaan, sa isang iglap ay nais baguhin ng mafia sa Kongreso sa loob lamang iilang araw?