Hindi Nakapagtataka
I
Bawat patak ng pawis ni Ka Linong tumulo
sa pinapasukang pabrika
ay kalansing ng ginto sa sako
ng dayuhang kumpanya,
ngunit sa bawat matapos na araw
ay baryang parang limos lang ang naiuuwi niya.
II
Bawat punlang itanim ni Ka Selo
ay luntiang gintong inaani
ng propitaryong sumososyo
sa banyagang negosyante,
habang ang kanyang kinakain
ay sindami ng kangkong sa tuyong lupa.
III
At pagtatakhan pa ba
na ang kanilang martilyo’t asarol
ay naging mga baril?
Magtaka ay parang pagkagulat
na ang araw pala
ay maliwanag.