Kapatid Ka ng Aming Bayan, Iraq
Iraq! Iraq!
Inilimbag sa dugo ang pagkakapatiran ninyo
ng aming bayan.
Ang laya mo’y gapos na gintong tanikalang
bitbit ng mga tagapagligtas
sa atas ni Tiyo Samuel–
ganyan ang aming kasarinlan.
Ilang inosenteng buhay
ang pinatid sa Balangiga’t Falluja?
Ilang bilanggo ang binuhusan ng dahas
sa Fort Santiago at Abu Ghraib?
At lahat nito’y sa ngalan daw ng ating paglaya.
Ngunit magkapatid nga
ang aming bayan at ikaw, Iraq.
Tinutunaw sa ating mga bundok at lansangan
ang huwad na kalayaang sa ati’y aginaldo
ng imperyong itinindig ng pagkagahaman.